-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Sa layunin umanong mapahusay at mapalawak pa ang serbisyo para sa mamamayan ng lungsod, ilalaan ng City Government of Kidapawan ang abot sa P23.5 million na hindi nagamit (unexpended appropriation) na pondo mula sa 20% Economic Development Fund para sa 2020-2022.

Ito ang napagkasunduan sa ginanap na City Development Council (CDC) meeting na pinangunahan ni City Mayor Joseph Evangelista (CDC Chairperson) sa Mega Tent, City Hall.

Mula sa naturang halaga na P23.5 million ay ilalaan ang abot sa P4 million sa street lighting project sa kahabaan ng national highway, P6 million para sa Sibawan-Mua-an Farm-to-Market Road, at para sa concreting of barangay roads ay P13.5 million na counterpart fund ng city government para sa Philippine Rural Development Projects (PRDP) (8 to 10 barangays).

Nais ni Mayor Evangelista na makinabang ang mga mamamayan sa nabanggit na pondo sa pamamagitan ng reprogramming ng pondo tungo sa malinaw at makatotohanang implementasyon ng mga mahahalagang proyekto.

Dadaan naman sa pagtalakay ng Sangguniang Panglungsod ang hakbang na ito ng CDC at sa oras na maaprubahan ay agad ding sisimulan ang mga proposed projects.

Magiging bahagi ng flagship projects ni incoming Mayor Atty. Jose Pao Evangelista ang road concreting project kung saan target ng kanyang administrasyon na mapa-semento ang abot sa 100 meters na kalsada sa bawat barangay sa bawat taon at ang paglalagay ng mga solar lights upang ganap na magliwanag ang mga barangay.

Sa kabilang dako, naaprubahan din ang reprogramming ng pondo ng Barangay Ginatilan for CY 2022 na abot sa P200,000 para sa pagsasagawa ng road concreting project ng Purok 4 ng nasabing barangay na dati ay laan para sa water system project.

Lahat ng ito ay nakapaloob sa presentation na ibinahagi ni City Planning and Development Office o CPDO Head Engr. Divina Fuentes sa CDC meeting.

Samantala, ikinatuwa naman ng mga miyembro ng CDC ang anunsiyo ni Mayor Evangelista na dagdag na honorarium mula P500 ay magiging P1,000 na ito bawat pagpupulong.

Pagpapakita ito konsiderasyon at pagkilala sa suporta at matibay na koordinasyon sa hanay ng mga Punong-Barangay, Civil Society Organizations, at iba pang miyembro ng CDC.