BUTUAN CITY – Isasampa ngayong araw ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Caraga ang kaso laban sa founder at mga opisyal ng investment scam na Forex Trading.
Kasunod ito ng matagumpay nilang operasyon dakong alas-7:00 kagabi na natapos kaninang alas-2:20 na ng madaling araw.
Una rito, umabot sa mahigit P23 million na nakalagay sa loob ng limang selyadong storage boxes at iba pang mga ebidensya ang narekober ng mga otoridad sa isinagawang operasyon sa kalagitnaan ng payout ng Forex Trading sa kanilang mga investors.
Nagsitakbuhan pa ang mga opisyal at mga miyembro ng Forex Trading nang maabutan sila ng raiding team pasado alas-7:00 kagabi sa isang beach resort sa District 2, Brgy. Cubi-Cubi, sa bayan ng Nasipit, Agusan del Norte.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan kay CIDG-Caraga regional chief Lt. Col. Cholijun Caduyac, sinabi nito na kahapon pa ng umaga nagsimula ang kanilang monitoring matapos makatanggap ng impormasyong gagawin ang payout sa bayan ng Talacogon, Agusan del Sur.
Ngunit natunugan umano ito ng mga taga-Forex Trading kaya inilipat nila ito sa kalapit na lalawigan.
Maliban sa limang mga silyadong storage boxes, narekober din ng mga otoridad ang mga ledgers at log books kung saan nakasulat ang pangalan ng kanilang mga investors.
Ang crackdown sa iba pang mga pyramiding scams sa Mindanao ay kasabay din sa naunang pagpapasara sa kontrobersiyal na KAPA o Kabus Padatoon ni Pastor Joel Apolinario.