-- Advertisements --

CEBU CITY – Umabot sa mahigit P23 milyong halaga ng ipinagbabawal na gamot ang nasabat ng PNP sa magkakasunod na mga buy bust operations sa lalawigan ng Cebu.

Nahuli ang high value target na si Vicente Deloy Dungog Jr., 32, matapos itong makuhanan ng mga malalaking pakete ng shabu sa isang buy bust operation sa Brgy. Subangdaku, lungsod ng Mandaue.

Nasabat ng Mandaue City PNP ang dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P14.6 million.

Samantala, nasamsam naman ang P7-million na halaga ng shabu sa isa pang buy bust operation sa Sitio Lumbane, Brgy. Guadalupe, sa lungsod ng Cebu.

Ito’y nagresulta sa pagkahuli ng isa pang drug personality na si Mayla Delumar, 29, matapos itong isailalim sa masusing surveillance.

Ayon sa hepe ng Guadalupe Police Station na si Major Dindo Alaras na may isasagawa pang follow-up operation matapos nilang malaman ang source ng iligal na droga mula kay Delumar.

Pagkalipas ng ilang oras, nahuli rin ang isang dating waiter na si Nelson Booc, 33, matapos umano itong mahulihan ng P1.7 million na halaga ng shabu sa isa pang buy bust operation sa Brgy. Duljo Fatima sa lungsod.

Nakakulong ngayon ang mga drug suspect at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165).