Magkakaloob ng karagdagang $4.5 milyon o katumbas ng P234 milyon ang Estados Unidos na tulong pinansyal para sa mga biktima ng Marawi seige.
Sa pahayag na inilabas ng US Embassy, sinabi ni US Ambassador to the Philippines Sung Kim na ang naturang tulong ay patunay sa matibay na ugnayan ng Pilipinas at Estados unidos bilang magkaibigan, magkatuwang at magkaalyado.
Sa panibagong donasyon ay aabot na sa kabuuang P63.6 na milyong dolyar na katumbas ng P3.4 bilyong piso ang tulong na naibigay ng Estados unidos para sa pagbangon ng Marawi.
Ang karagdagang pondo mula sa U.S. Agency for International Development (USAID) ay magbebenepisyo sa 50,000 “internally displaced persons” sa Marawi at 9,000 sa Maguindanao.
Nasa 2,600 indibidwal ang pagkakalooban ng emergency shelter assistance mula sa naturang pondo, na bukod pa sa 33,000 na una nang nabigyan ng benepisyo.
Sa mga nakalipas na buwan nakapagbigay ang U.S. government ng livelihood support sa 7,500 pamilyang na-displace, nakapag-deliver ng tubig araw-araw sa mahigit 6,000 internally displaced persons, at nakapagkaloob ng hygiene kits at education sa mahigit 30,000 katao.