Nasamsam ng Bureau of Customs (BoC) ang limang shipments ng misdeclared na agri-products mula China na tinatayang nagkakahalaga ng P24-milyon.
Sa pahayag ng BoC, base sa kanilang isinagawang x-ray at physical inspections, idineklara ang shipments bilang mga mansanas, orange, at peras ngunit ang tumambad sa kanila ay mga carrots, sibuyas, at patatas.
Ayon sa ahensya, tinatayang nasa P15-milyon ang halaga ng mga nasabat na carrots; P4-milyon ang sibuyas; at ang patatas naman ay P5-milyon.
Inihayag pa ng BOC na apat sa limang shipments ay naka-consign sa Ingredient Management Asia Inc., habang ang iba ay sa Mcrey International Trading.
Dumating umano sa Manila International Container Port ang mga produkto sa magkakaibang petsa noong nakalipas na buwan.
Natuklasan din daw nila ang mga pagkakaiba-iba sa timbang at idineklarang halaga ng mga shipments sa isinagawang eksaminasyon ng mga BOC officers.