-- Advertisements --

Nasamsam ng mga otoridad ang mahigit P244-milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation sa lungsod ng Parañaque nitong Sabado na nagresulta rin sa pagkamatay ng dalawang umano’y drug pusher.

PQUE BUY BUST 2
Photo courtesy of PNP PIO

Sa isang pahayag, naglunsad ng joint entrapment operatio ang PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung saan pinuntirya ang mga suspek sa Uniwide Coastal Mall sa Diosdado Macapagal Boulevard dakong alas-4:30 ng hapon, na kalaunan ay nauwi sa engkwentro.

Napatay ang mga suspek, na kinilalang sina Jin Long Cai at Danny Apiga, kapwa Chinese nationals, matapos ang pakikipagpalitan nila ng putok sa mga operatiba.

Nasabat sa operasyon ang 36 pakete ng shabu na may timbang na 36 kilos, isang sedan at dalawang .45-caliber na baril.

Una rito, nagbantang muli si Pangulong Rodrigo Duterte na may kalalagyan ang mga drug dealers sa bansa matapos makumpiska ng pulisya ang 756 kilos ng shabu sa Bulacan.

Tinatayang nasa P5.1-bilyon ang halaga ng kontrabando, na isa sa mga pinakamalaki buhat nang ilunsad ng kanyang administrasyon ang giyera kontra droga.