Naghain ng panukalang batas si AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee para sa pagtatayo ng Kadiwa Centers sa lahat ng lungsod at munisipalidad sa bansa na layong matulungan ang mga magsasaka, mangingisda at mamimili.
Binigyan-diin ni Rep. Lee na nakapaloob sa House Bill No. 3957 o ang “Kadiwa Agri-Food Terminal Act”, na makapagtayo ng Kadiwa Centers sa lahat ng lungsod o siyudad at mga munisipalidad.
Ang nasabing panukala ay alinsunod na rin sa pagbibigay prayoridad ng kasalukuyang administrasyon na palakasin ang sektor ng agrikultura na magkaroon ng abot-kayang pagkain sa hapag-kainan ng bawat pamilyang Pilipino at bigyan solusyon o kaya’y ganap na maiwasan ang food crisis sa bansa.
Ayon sa mambabatas, napakalaking tulong at biyayang maituturing ang Kadiwa Centers na malapit sa komunidad kung saan may mapagbentahan agad ang mga produkto ng mga magsasaka at mangingisda nang hindi na kailangan pang bumiyahe lalo na ngayon na nagtataasan ang presyo ng gasolina at mga pangunahing bilihin.
Kapag naisabatas na ang naturang panukala, nasa P25-billion ang ilalaan kada taon sa implementasyon ng programa kung saan nasa P10 billion ang ilalaan sa Department of Agriculture para mapalawak pa ang programa.
Nakasaad din sa proposed measure na dapat magkaroon ng close coordination ang Agriculture department at Local Government Units (LGUs) para sa pagtatayo at maayos na pamamahala sa Agri-food terminals.