-- Advertisements --

Nilinaw ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na sapat pa rin umano ang kanilang pondo upang ipagpatuloy ang kanilang mga programa para sa kawanggawa.

Ito’y kahit inamin ng PCSO na P250-milyon ang nawalang kita nila sa Lotto sa apat na araw na suspendido ang kanilang gaming operations.

Ayon kay PCSO general manager Royina Garma, sa ngayon ay makakaya ng lotto operations na panatilihin ang kanilang charity services.

“Most of the charity services kaya niyang i-sustain,” ani Garma.

Sa kabila nito, positibo pa rin ang kanilang hanay sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipahinto ang kanilang mga gaming schemes.

Aniya, nagamit daw itong pagkakataon para marepaso ang proseso ng mga palaro ng ahensya.

Sinabi pa ni Garma na unang ibinalik ang Lotto dahil lumabas sa kanilang pag-aaral na ito ay transparent dahil mayroong safety nets sa kanilang proseso.

Samantala, sinabi ng ahensya na sa ngayon ay inaalam pa nila ang eksaktong halaga ng kitang nawala sa kanila matapos ang pagpapatigil naman sa iba pang gaming formats gaya ng Small Town Lottery (STL) at Keno, na kasalukuyang iniimbestigahan dahil sa umano’y kurapsyon.

Maging ang Scratch-It ay hindi muna ibebenta dahil sa kasama ito sa mga sisilipin sa imbestigasyon.

Bukas naman aniya ang ahensya sa lahat ng uri ng imbestigasyon at ipinapaubaya na rin daw nila sa mga imbestigador ang mga alegasyon ukol sa katiwalian sa kanilang tanggapan.

Una nang inihayag ni Presidential spokesman Salvador Panelo na suspendido pa rin ang mga operasyon ng STL, Keno, Peryahan ng Bayan at iba pa dahil sa nagpapatuloy na imbestigasyon dito.