Inaprubahan na ng Kamara de Representantes ang P254.115 bilyong panukalang budget ng Department of National Defense (DND) para sa 2025, matapos tapusin ng mga miyembro ng minorya ang kanilang interpellation sa unprogrammed funds at Balikatan exercises ng kagawaran.
Binigyang-diin ni House Committee on Appropriations vice chairperson Rep. Jose “Joboy” Aquino II (1st District, Agusan del Norte), na siyang nag sponsor ng DND budget sa plenaryo, ang kahalagahan ng pagbibigay ng sapat na budget para sa defense sector ng bansa.
“It allows the department to refocus its strategic direction primarily on archipelagic defense, while upholding the nation’s sovereignty, sovereign rights, and jurisdiction,”pahayag ni Aquino.
Tinanong ni ACT-Teachers Party-list Rep. France Castro dahil napansin nito na ang DND ay mayruong P10 billion continuing appropriations na madadagdagan sa susunod na panukalang P25 billion sa unprogrammed funds.
Paliwanag naman ni Rep. Aquino na ang nasabing pondo ay inilaan para sa procurement ng fiber system ng Armed Forces of the Philippines (AFP),na layong i-upgrade ang weapons and sensor systems ng mga military aircraft at sea vessels, pagbili ng mga bagong aircraft at iba pa.
Kinuwestiyon din ni Castro ang palagiang pagsasagawa ng Balikatan exercises, kung saan naaapektuhan ang hanapbuhay ng mga mangingisda.
“Mayroon po tayong Balikatan sa iba’t ibang areas. Nakuha natin yung reports sa ating mga mangingisda ‘tsaka sa mga karatig na komunidad ng mga mangingisda, (na) pag nagkakaroon po ng Balikatan exercises napipigilan po yung kanilang economic activity, to the detriment nung ating mga kababayan natin,” pahayag ni Castro.
Sagot naman ni Aquino na may mga hakbang ng ginagawa ang defense department at AFP para hindi maapektuhan ang hanapbuhay ng mga lokal na mangingisda.
Pinasalamatan naman ni Aquino ang kaniyang mga kasamahan sa kanilang suporta para maaprubahan ang budget ng DND.