Mahigit P25.83 milyong halaga ng tulong na binubuo ng mga food packs at non-food relief items tulad ng hygiene kits, ang naipamahagi sa mga komunidad na apektado ng pagputok ng Kanlaon Volcano nitong unang bahagi ng buwan.
Ito ang kinumpirma ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa isang panayam kahapon .
Batay sa datos ng DSWD Disaster Response Management group, aabot sa 15,511 pamilya o katumbas ng 49,987 katao mula sa 23 barangay sa Western Visayas (Region VI) at Central Visayas (Region VII) ang naapektuhan ng “explosive eruption” noong Hunyo 3.
Sa kabuuan, apektado ang 833 pamilya o katumbas ng 2,711 katao at ang mga ito ay nananatili pa rin sa limang evacuation centers.
Pumapalo naman sa 31 pamilya o 97 indibidwal ang nananatili sa mga kamag-anak o kaibigan.
Nagsagawa rin ang DSWD ng family development session (FDS) sa mga evacuation center, lalo na para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa La Castellana sa Negros Occidental, bilang bahagi ng psychosocial activities.
Ang Kanlaon ay nananatiling nasa Alert Level 2 na nangangahulugan ng increasing unrest.
Mahigpit naman na pinapayuhan ng DSWD ang publiko na iwasan ang four-kilometer permanent danger zone upang mabawasan ang panganib mula sa mga hazard ng bulkan tulad ng pyroclastic density currents, ballistic projectiles, rockfall at iba pa.