-- Advertisements --

Sa kulungan ang bagsak ng isang high value target matapos ang isinagawang buy bust operation nitong Miyerkules ng umaga, Abril 9, sa Brgy. Maslog Sibulan Negros Oriental kung saan nasabat ang bulto-bultong shabu.

Nakilala ang suspek na si alyas Eljin, 50 anyos at residente ng Bais City.

Nakumpiska mula sa posisyon nito ang humigit-kumulang 4 na kilo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P27.2 million pesos.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PLt Stephen Jaynard Polinar, spokesperson ng Negros Oriental Police Provincial Office, sinabi nito na ang naturang operasyon ay resulta pa ng kanilang matagal na surveillance laban sa suspek at ikinatuwa na nagbunga naman ang kanilang data gathering.

Sinabi pa ni Polinar na sa halos dalawang taon niyang pagsisilbi bilang spokesperson ay ito pa umano ang unang pagkakataon na naharang nila ang isang malaking halaga ng droga sa lalawigan.

Batay pa aniya sa salaysay ng suspek, naatasan lang umano itong kunin ang naturang item at hindi niya alam kung ano o para saan ito.

Sa ngayon aniya ay inaalam pa nila ang pinagmulan ng naturang mga nasabat na droga.

Nahaharap naman ang naarestong suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.