BUTUAN CITY – Isasailalim sa drug test ang isang konsehal sa bayan ng Buenavista, Agusan del Norte at sa confirmatory test naman ang suspected shabu na nakuha mula sa kanya matapos ang isinagawang anti illegal drug operations kaninang madaling araw.
Nakuha mula sa ni-raid na pamamahay ni Ronilo Bohol, 50-anyos, sa may Purok 1, Brgy. Matabao, Buenavista, Agusan del Norte ang dalawang malalaking sachets ng pinaniniwalaang shabu na may timbang na 22.4 gramo at tinatayang nagkakahalaga naman ng halos P270,000.
Ayon kay Police Col. Christian Rafols, tagapagsalita ng Police Regional Office Region 13 (PRO-13), isinagawa ang raid dakong alas-2:40 kaninang madaling araw ng mga tauhan ng Buenavista Municipal Police Station, Agusan del Norte Provincial Intelligence Branch, Agusan del Norte Provincial Mobile Force Company at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Caraga.
Kasong illegal possession of firearms ang isasampa umanong kaso laban sa suspek sa pamamagitan ng inquest proceedings.