Ibinasura ng Sandiganbayan ang P276 million forfeiture case laban kina dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at dating First Lady Imelda Marcos.
Sa 30 pahinang resolution na inilabas noong Oktubre 4, binanggit ng anti-graft court ang labis na pagkaantala sa pagpapatuloy ng kaso sa parte ng Presidential Commission on Good Government (PCGG).
Ayon sa korte, hindi na kayang bigyan ng patas na paglilitis ang mga defendant dahil karamihan ng mga posibleng testigo ay pumanaw na at ang kanilang documentary evidence ay hindi na mahanap pa dahil sa 37 taong pagkakabinbin ng kaso simula ng ihanin ito noong 1987.
Inihayag din ng Second Division ng korte na ang natitirang nabubuhay na defendant na si Imelda Marcos ay 95 anyos na kayat ang kaniyang abilidad para tumestigo at alalahanin ang mga pangyayari ay tiyak aniyang mahina na gayundin ang kaniyang kalusugan.
Saad pa ng korte na walang kakayahang tumestigo sa naturang usapin ang mga anak ng mga defendant na sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr, Sen. Imee Marcos at Irene Marcos-Araneta dahil menor de edad pa lamang sila noong mangyari ang umano’y ilegal na mga transaksiyon may kaugnayan sa Pinugay Estate na 53 taon na ang nakakalipas.
Matatandaan na inihain ng PCGG ang naturang forfeiture case laban sa pamilya Marcos noong Hulyo 21, 1987 sa layuning mabawi ang P276 million na halaga ng mga ari-arian na umano’y nakaw na yaman ng mag-asawang Marcos sa panahon ng Martial Law.
Kabilang dito ang lupain at 6 na condominium units sa California, USA, gayundin ang 2 lote at 2 condo units sa Baguio city, isang residential building sa Makati city at isang residential lot sa lungsod ng Maynila.
Kasama na ang Pinugay Estate sa Tanay, Rizal na nakuha umano ni dating Pangulong Marcos Sr. mula sa Government Service Insurance Sytem sa pamamagitan ng paggamit ng kaniyang crony na si yumaong Roman Cruz Jr. bilang kaniyang dummy.
Subalit sinabi ng korte na ang lack of diligence ng komisyon sa paghawak sa naturang kaso ay humantong sa labis na pagkaantala sa proceedings o paglilitis sa kaso.