Isinulong ni Sen. Grace Poe ma-reinstate ang P27-million fund para sa road safety programs, logistics at equipment na mapapakinabangan ng publiko.
Binuksan ni Poe ang isyu sa paghimay ng 2020 budget para sa Department of Transportation (DOTr).
Sa nasabing hearing ng Senate committee on public services, kung saan tinalakay ang pagdedeklara sa kada ikatlong linggo ng Nobyembre bilang World Day of Remembrance para sa road crash victims, inamin ni Transportation Undersecretary Mark Richmund de Leon na walang nakalaan sa 2020 DOTr budget para sa road safety programs.
“Unfortunately, ni piso, walang pondo,” wika ni De Leon.
Para kay Sen. Poe, maraming magagawa kung mailalaan ang angkop na pondo sa safety programs.
Kabilang na rito ang pagbili ng breathalyzers na makakatulong upang matukoy ang mga motoristang nakainom ng alak na nagmamaneho ng sasakyan.
“It has to be funded, it has to be a priority kasi prevention and safety are paramount in the transportation system that we have…Tingin ko naman, magagawan ng paraan kasi buhay ang poprotektahan,” pahayag ni Poe.