-- Advertisements --

Patuloy ang ginagawang pag-unlad ng gobyerno sa mga komunidad na malayo sa kabishasnan sa ilalim ng Barangay Development Program (BDP) kung saan nasa P28.4 billion na pondo ang inilaan ng pamahalaan dito.

Sa nasabing proyekto, gumagawa ang pamahalaan ng mga farm-to-market-roads, school buildings, health centers, electrification at water systems sa mga conflict-affected areas at vulnerable communities.

Ayon kay NTF-ELCAC Director Jose Descallar, sa kasalukuyan nasa 3,187 barangays ang nasa three-phased program ng Barangay Development Program (BDP).

Dahil dito, hinimok ng task force ang mga Komunistang rebelde na patuloy sa pakikipag laban na sumuko o magbalik loob sa gobyerno at i-avail ang amnesty program ng Marcos administration.

Binigyang-diin ni Director Descallar na walang naidulot na maganda ang mahigit limang dekada na pakikipaglaban ng komunistang rebelde kung saan nagdulot lamang ito ng kahirapan at naging miserable ang buhay ng mga kasaping miyembro.

“Nagsasayang ang ating ekonomiya, maraming magulang, maraming pamilya ang nasira, naantala ang ating pag-unlad. Ang komunismo tinakwil na ho ng mundo. It is a failed social experiment. It did not work in the Soviet bloc, China took the… it’s a failed social experiment wala nang saysay po ang komunismo,” pahayag ni Descallar.

Binigyang-diin ni Descallar na nasa tamang landas ang gobyerno ngayon sa pagtugon sa insurgency sa bansa , patunay dito ang mga lugar idiniklara ng insurgency free.

“Nandito po ang ating pamahalaan. Nandito po ang ating mga mamayan. Nandito po ang mga pamilyang Pilipino na sana bitawan ninyo na iyong mga armas. Sumama kayo sa pagtatayo ng isang mapayapa, matatag, maginhawang bayang Pilipinas, isang bagong Pilipinas na kung saan tayong lahat nagkakaisa, nagtutulungan para ibangon ang ating bayan,” dagdag pa ni Descallar.

Batay sa datos na inilabas ng NTF ELCAC mula sa 89 guerrilla fronts na kanilang kinakaharap, sa ngayon ay nasa 20 guerilla fronts na lamang matapos matagumpay na mabuwag ang nasa 69 fronts.

“Of the 20 guerilla fronts, 19 ang weakened guerilla fronts and only one remain to be dismantled in Northern Samar. So, kapag sinabi nating strategic victory, ito na iyong 19 weakened guerilla fronts and isa na lang na kinukompronta ng AFP,” paliwanag ni Descalla.