BACOLOD CITY – Tinutunton pa ng mga pulis ang suspek na nagkolekta ng pitong toneladang giant clams o taklobo sa Escalante City, Negros Occidental.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa hepe ng Escalante City Police Station na si Lt. Col. Necerato Sabando, inihayag nitong nakumpiska ang mga taklobo sa bahay ni Jasper Bacaron na kusang nagsumbong sa mga pulis nang kanyang malaman na iligal pala ang pagtatago ng giant clams.
Ayon kay Bacaron, kinolekta ni Nexon Aurelio ng Sagay City ang mga taklobo sa kanyang bahay sa Hacienda Juliana. Brgy. Washington, Escalante City noong nakaraang mga buwan.
Nabatid na endangered species ang taklobo kaya’t bawal itong hulihin.
Ayon sa hepe, P28 milyon ang total market value ng mga giant clams dahil ang bawat kilo nito ay nagkakahalaga ng P4,000.
Sa ngayon, dinala na ang mga taklobo sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Provincial Fisheries Office sa Bacolod para sa safekeeping habang inihahanda ang kaso laban sa suspek.