-- Advertisements --

Inaprubahan na ng Philhealth Board of directors na pinamumunuan ni Department of Health Secretary Ted Herbosa ang P284 billion Corporate Operating Budget (COB) para sa fiscal year (FY) 2025.

Ito ay mas mataas ng 10% kumpara sa P259 billion na pondo ng state health insurer noong nakalipas na taon.

Ang Corporate Operating Budget ay ang bersiyon ng Philhealth ng General Appropriations Act (GAA) para sa national budget o General Appropriations Ordinance (GAO) para sa lokal na pamahalaan.

Ikinonsidera rin sa aprubadong pondo ng Philhealth para sa susunod na taon ang hindi paglalaan ng government premium subsidy para sa indirect contributors ng Philhealth matapos itong mapagpasyahan sa Bicameral Conference Committee ng Kongreso noong nakalipas na linggo.

Kabilang naman sa mga pinaglaanan ng pondo ng Philhealth para sa susunod na taon ay ang P271 billion para sa benefit expenses. Kasama rin dito ang mga pondo para sa emergency care, outpatient mental health, severe acute malnutrition, at marami pang ibang standalone outpatient packages.

Sa kabila ng pagtaas ng badyet para sa mga benepisyo, inaprubahan ng Board ang pagtaas ng 3 porsiyento lamang para sa mga administrative expenses, mula PHP 12.1 billion noong FY 2024 sa PHP 12.5 billion para sa FY 2025.

Ang mga capital expenditures sa PhilHealth budget para sa 2025 ay nalimitahan sa PHP 259 milyon lamang, na mas mababa ng 91 porsyento kaysa sa naaprubahan noong FY 2024 na PHP 2.9 bilyon. Naobserbahan ng Lupon na ginamit lamang ng Management ang 8 porsiyento ng COB 2024 nito para sa pagbili ng information and communications technology (ICT) at iba pang capital expenditures. Bagama’t hindi ito nagbigay ng bagong badyet sa ICT para sa FY 2025, pinalawig ng Board ang bisa ng COB 2024 para sa mga proyekto ng ICT sa halagang PHP 989 milyon upang matiyak na uunahin ang digitalization.

Muli namang iginiit ni Sec. Herbosa na maraming pera ang PhilHealth, higit pa sa reserve fund ceiling na pinapayagan ng batas. Ang surplus na ito ay resulta aniya ng mababang pagbabayad ng benepisyo sa mga lumipas na taon, kaya naman ang mga pamilyang Pilipino ay nagbabayad ng mataas na galing sa kanilang sariling bulsa kayat saad ng kalihim inaprubahna nila ang mas mataas na pondo para sa 2025 para hindi na gumastos pa ng malaki ang mga miyembro ng Philhealth.

Samantala, maliban dito, aprubado na din ng Board ang inendorso ng Benefits Committee (BenCom) na ikalawang round ng pagtaas sa mga piling case rate ng hanggang 59%. Ito ay karagdagan sa emergency care benefit, glasses at optometric services para sa mga bata, open heart surgery benefits at pediatric cataract extractions.