BOMBO RADYO DAGUPAN — Hindi naniniwala ang ilang grupo ng mga magsasaka na maisasakatuparan ang 29 Program o bentahan ng P29/kilo ng bigas sa mga susunod na lingo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Cathy Estavllo, Spokesperson ng Bantay Bigas, sinabi nito na malabo pang mangyari ang bentahan ng bigas sa napakamurang halaga hanggang P29/kilo.
Aniya na sa loob kasi ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na unang nangakong papababain ang presyo ng bigas hanggang sa P20/kilo ay wala itong anumang katuparan.
Bagkus, saad nito, ay patuloy na nakararanas ang mga Pilipino ng napakamahal na bentahan ngpangunahing bilihin lalong lalo na ang bigas.
Dagdag nito na nananatiling nakararanas ang Pilipinas ng pinakamataas na presyo ng bigas sa loob ng nakalipas na 15 taon sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Dito aniya makikita kung gaano kaliit at kababaw ang pagtingin at pagresolba ng gobyerno sa malawak na bilang ng mga mamamayang Pilipino na nagugutom.
Kaya naman ang hamon ng kanilang organisasyon sa gobyerno ay sa halip na ibenta ang p29/kilo na bigas sa piling Kadiwa center ay dalhin ang mga ito sa palengke kung saan mas maraming mga Pilipino ang makakabili.
Gayong, ani Estavillo, na ang mga ilalabas na bigas na ibebenta sa halagang P29 ay aging stocks na ng National Food Authority.