Nagpahayag ng buong suporta si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa P29 Rice Program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na layong mabentahan ng bigas sa abot-kayang presyo ang mga ordinaryong Pilipino sa gitna ng tumataas na presyo ng pagkain at pagkaantala sa supply chain sa buong mundo.
Sinimulan nitong Biyernes ang large-scale trial ng P29 Rice Program sa 10 lugar sa Metro Manila at Bulacan.
Ang mga kuwalipikadong benepisyaryo gaya ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries, senior citizens, persons with disabilities (PWDs), at solo parents ay maaaring bumili ng bigas sa halagang P29 kada kilo.
Gagamitin ang trial upang makapangalap ng datos na siyang magagamit upang maging maayos ang pagpapatupad nito sa buong bansa.
Kada benepisyaryo ay maaaring bumili ng hanggang 10 kilo ng bigas tuwing Biyernes, Sabado, at Linggo.
Ang bawat trial site ay inaasahang makatutulong sa may 60,000 na pamilya kada buwan.
Sinabi ni Speaker Romualdez na sa mga darating na araw ay inaasahan na dodoblehin ang bilang ng mga trial sites hanggang sa makarating ito sa Visayas at Mindanao at matulungan ang 6.9 milyong pamilya sa bansa.
Binigyang halaga rin ni Speaker Romualdez, na nakikilala na bilang si “Mr. Rice” dahil sa kanyang malawakang pamamahagi ng bigas, ang “rice-for-all” program, na layong maibaba ng presyo ng bigas para sa kabuuan ng populasyon.
Noong nakaraang Hunyo 24, nakipagpulong si Speaker Romualdez at iba pang lider ng Kamara sa Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRISM), kung saan sinabi ng mga opisyal nito na inaasahan na bababa sa P42 ang kada kilo ng commercial rice ngayong buwan bunsod ng mas mababang taripa na ipinapataw sa imported na bigas.