-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nasamsam ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) Iligan District Office ang mahigit P2-million na halaga ng medicine samples mula sa Department of Health (DoH) sa kanilang isinagawang operasyon sa Purok 9, Barangay Pala-o, Iligan City.

Ito’y matapos ipinagbili umano ang nasabing mga gamot na may markang “not for sale” sa isang negosyante na nakilalang si Dindo Ebarle, 40-anyos.

Sinabi ni NBI-IDO operatives chief Atty. Abdul Jamal Dimaporo na kanilang nasamsam ang mga gamot matapos sumuplong sa kanila ang isang medical representative ng isang pharmaceutical company laban sa driver ng private courier na si Jalilodin Bangcola, 42.

Hindi umano inihatid ni Bangcola sa consignee ang mga gamot bagkus kaniya itong ibinenta kung kaya’t siya’y hinuli.

Depensa naman ng suspek na kaniya lamang itong naggawa dahil sa matinding problema sa pera.

Inamin rin nito sa NBI na mahigit isang taon na niyang ginagawa ang illegal na gawain.

Sa ngayon, inihanda na nang NBI ang kaukulang kaso laban sa suspek.