LAOAG CITY – Pursigido umanong magreklamo ang itinuturong lider ng P2P investment scam na si Angelica Joyce Nacino laban sa mga area representatives (Ars) dahil daw sa pagdidiin nila sa kanya.
Ayon kay Nacino, nagsimula ang operasyon ng P2P noong Hunyo, 2019 at kasama ang kanyang bestfriend na si Monaliza Abad.
Sinabi na noong dumarami ang mga AR at umabot sa 44 ay kinailangan nila ng malaking pera na gagamitin para sa sweldo nila.
Aniya, may 10 mga AR na hindi nagre-remit ng mga nakolekta sa kanya at kung mayroon man ay hindi kompleto ang pera.
Kinilala ni Nacino ang mga ito na sina Nicole Monroy, Mika Sison, Michelle Carmela Navarete, Jenevie Corotan, Lawren Corpuz, at Angelica Tan na malalaki ang na-invest at nakapagpatayo ng bahay at nakabili pa ng sasakyan.
Itinuro naman ni Nacino si Monroy na nagsabi na susuhulan ang Bombo Radyo Laoag upang titigil na ang isyu.
Ngunit itinanggi ni Monroy ito at sinabing si Nacino ang nagsabi na susuhulan ang Bombo Laoag.
Sinabi ni Monroy na maraming Facebook account si Nacino na ginagamit para sirain ang magandang relasyon sa kapwa nilang AR.
Dagdag niya, may mga ebidensya na magpapatunay na si Nacino ang nagsabing susuhulan ang himpilan.