VIGAN CITY – Aabot sa mahigit P3-M na pera at alahas ang ninakaw ng isang caretaker sa Vigan City.
Nakilala ang suspek na si Emelyn Refuerzo, 28-anyos at ang biktimang OFW na si Imelda Amigable, 62-anyos at parehong residente ng Brgy. Pantay Fatima sa nasabing siudad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay PLt. Col. David Guerero, hepe ng Vigan City Police Station, umuwi galing Italy ang biktimang si Amigable at nadatnang nasira ang mga cabinet ng kanyang bahay at nawawala ang vault na naglalaman ng P1.8 million; 15,000 Euro at alahas na nagkakahalaga ng P300,000.
Sinabi ni Guerero, inamin ng suspek na siya ang kumuha ng vault na naglalaman ng pera at alahas ng biktima.
Dagdag pa ng opisyal, ibinalik umano ng suspek ang P100,000 cash at mga natitirang alahas na kanyang nakulimbat at ito ang gagamiting ebidensya ng PNP laban kay Refuerzo sa kasong qualified theft.
Napag-alamang siyam na taong nasilbing kasambahay ang suspek sa pamilya ng ninakawang si Amigable.