LEGAZPI CITY – Umaabot sa P3.4 milyon na halaga ng shabu ang nakumpiska ng PNP at PDEA sa isinagawang buy bust operation laban sa isang high value target sa Barangay Cumadcad, Castilla, Sorsogon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Investigation Agent V Adrian Fajardo ng PDEA Sorsogon, nakilala lamang ang suspek sa pangalang “Anthony” na residente ng Ligao sa lalawigan ng Albay na kumpirmadong nagsusuplay ng droga sa Sorsogon.
Isa sa mga pulis ang nakipagkita sa suspek para sa transaksyon ng nasa 50 gramo ng droga na nagkakahalaga ng P340,000.
Naging matagumpay ang operasyon kung saan agad na nahuli ang suspek nang iabot na ang droga at tanggapin ang buy bust money.
Sa paghahalughog ng PNP at PDEA sa sinakyan nitong kotse, tumambad din ang lima pang plastic ng tig-100 gramo ng shabu kung kaya kabuuang P3.4 milyon na droga na ang nakuhaa sa suspek.
Sa ngayon, isinailalim na ang suspek sa imbestigasyon ng mga otoridad upang malaman kung saan kinukuha ang bulto-bultong suplay ng droga at kung sino ang mga parokyano nito.
Hinahanap na rin ang dalawa pang kasabwat ni Anthony na dapat sana’y kasama sa transaksyon subalit hindi sumipot sa lugar.