-- Advertisements --

Pumalo na sa P3.40 billion ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa bagyong Kristine.

Sa datos ng Department of Agriculture Regional Field Offices ngayong Martes, ang mga nasalantang agricultural goods ay palay, high-value crops gayundin ang agricultural infrastructure. May katumbas ito na 174,087 metrikong tonelada ang production loss.

Pinakamatinding naapektuhan ang palay na nasa 94.5% habang sa iba pang napinsalang pananim gaya ng high-value crops ay nasa 4.23%, sa maisan 1.14% at sa pangisdaan nasa 0.13%.

Karamihan sa mga napinsalang palay ay naitala sa Bicol region, na may P3.10 billion production loss at halos 4 sa 10 ektarya ng apektadong palay ang lubos na nasira.

Samantala, sa damage assessment sa livestock at poultry, nasa 3,009 ang nawala sa pananalasa ng bagyo na nagkakahalaga ng P4.35 million karamihan ay sa Ilocos region at Soccsksargen.

Sa mga pangisdaan naman nasa P11.20 million ang natamong pinsala kabilang na dito ang mga isdang tilapia, bangus, hipon at alimango na mayorya ay naitala sa Central Luzon.

Sa mga irigasyon, dam at farm structure, nakapagtala ng P69.36 million ang halaga ng pinsala.

Nasa kabuuang 79,904 magsasaka sa 11 rehiyon ang naapektuhan sa pananalasa ng bagyo. Bilang tulong, nagbigay ang DA sa mga magsasaka ng P541.02 million na halaga ng agricultural inputs gaya ng rice, corn, vegetable seeds at medicine para sa livestock at poultry. Namigay na rin ang NFA ng 1,447 bags ng bigas sa mga lokal na pamahalaan sa Ilocos at Bicol regions. Naglaan na rin ng P1 billion na quick response fund para sa rehabilitation ng mga apektadong lugar.