-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Umabot sa P3.4 milyon na halaga ng shabu ang narekober ng mga otoridad mula sa dalawang drug personalities na nahuli sa Barangay Manjumlad, Matnog, Sorsogon.

Kinilala ang mga suspek na target ng operasyon na sina Francisco Cawa III na residente ng Malate, Manila at Raffy Tepace na mula naman sa bayan ng Norala, South Cotabato.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Police Major Dominic Borigas, hepe ng Matnog Municipal Police Station, modus umano ng dalawa ng magdeliver ng mga frozen goods habang isinasabay ang bultohang pagdadala ng iligal na droga.

Subalit natukoy ng PNP ang iligal na aktibidad na ito kung kaya isinailalim ang dalawa sa buy bust operation habang nasa lalawigan pa ng Sorsogon.
Matagumpay naman ang naging resulta ng buy bust kung saan nakua mula sa dalawa ang nasa 500 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng nasa P3.4 milyon.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang dalawa na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.