Aprubado na kay AFP chief of staff Gen. Eduardo Ano ang rekomendasyon ng binuong komite na siyang nangasiwa sa mga perang donasyon para sa mga sundalong naging biktima sa labanan sa Marawi City.
Ayon kay AFP Spokesperson BGen. Restituto Padilla na nagbigay na ng go signal si Gen Ano para bigyan ng inisyal na tig P35,000 ang kada pamilyang naulila ng kanilang sundalong mahal sa buhay.
Batay sa opisyal na listahan ng AFP, 90 na ang bilang ng mga sundalong nasawi dahil sa patuloy na labanan sa Marawi city.
Sinabi ni Padilla na kailangan lamang ma validate ang mga pangalang nasa listahan at sa lalong madaling panahon ay ipamimigay na ang donasyon.
Giit nito na nakalatag na ang kanilang ipapatupad na mekanismo para sa maayos na paggamit at pagpapalabas ng pera.
Sa pinakahuling rekord ng AFP, aabot na sa mahigit P3.5 million pesos ang nakalap nilang donasyon para sa pamilya ng mga sundalong nasawi sa Marawi.
Nagbigay din ng dalawang milyong pisong halaga ng tseke ang negosyanteng si Lucio Tan.
Para naman sa mga internally displaced persons o IDP umabot naman ang donasyon sa mahigit P766,000.