BAGUIO CITY – Kinumpiska ng mga otoridad ang mahigit P3.6 million na halaga ng mga marijuana na tinangkang ipuslit ng dalawang kalalakihan palabas ng Cordillera region.
Batay sa report ng pulisya, agad silang nagsagawa ng checkpoint operation sa Ampawelin, Poblacion, Sadanga, Mountain Province kaninang madaling araw matapos silang makatanggap ng impormasyon ukol sa tangkang pagbiyahe ng mga iligal na droga.
Nasabat sa operasyon ang 30 na marijuana bricks at isang tubular marijuana na may bigat na 30.075 kilos at halagang P3.609 million mula sa isang itim na kotse na may plakang PN NAD 2038.
Arestado sa operasyon ang driver ng kotse na nakilalang si Bernard Hope Poyaoan Bravo II at ang kasama nitong si Louigie Erguiza Param, na parehong 22-anyos, binata at residente ng Santa Mesa, Manila.
Nahaharap na ngayon sina Param at Bravo II sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.