-- Advertisements --

Nakapagbigay na sa ngayon ang gobyerno ng P3.85 milyon na tulong pinansyal sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho sa New Zealand matapos magsara ang isang construction company.

Sinabi ni DMW Undersecretary for policy and international cooperation Patricia Yvonne Caunan na 107 OFWs ang nakatanggap ng 1,050 New Zealand dollars o P36,000 bawat isa.

Aniya, 72 pang manggagawa ang nakatakdang makatanggap ng parehong halaga sa mga darating na araw.

Dagdag ni Caunan, pinoproseso pa rin ang tulong pinansyal para sa 345 pang Pilipino.

Sinabi ng opisyal na 14 pang Pinoy na nagbakasyon sa Pilipinas noong panahon ng Yuletide ay makatatanggap din ng tulong pinansyal.

Aniya, nasa 100 na manggagawang Pilipino ng kumpanya na residente ng New Zealand ang tinutulungan ng Department of Foreign Affairs (DFA)

Bukod sa tulong pinansyal, sinabi ni Caunan, ang mahalaga ay matulungan ang mga OFW na makahanap ng bagong trabaho sa New Zealand.