VIGAN CITY – Nakatakda umanong maglabas ng tatlong bilyong pisong ayuda ang Department of Agriculture (DA) para sa mga magsasakang apektado ng pagbagsak ng presyo ng palay dahil sa Rice Tarrification Law.
Sa mensaheng ipinadala sa Bombo Radyo Vigan ni DA Secretary William Dar, sinabi nito na makakatanggap ng P5,000 ang kada rice farmer na nasa opisyal na listahan ng mga magsasaka sa bansa na kanilang ibibigay o ipapamahagi bago mag-Pasko.
Aniya, ang pondong gagamitin sa nasabing hakbangin ay kukunin mula sa nalikom na buwis sa imported rice.
Ipinaliwanag nito na sa halip na ipatupad ang safeguard duties sa imported na bigas ay nagdesisyon ang gabinete na magbigay na lamang ng cash assistance sa mga magsasakang labis na naapektuhan ng mababang farm gate prices ng palay.
Ito’y matapos alisin ng gobyerno ang import quotas at pinalitan ng taripa para pahupain ang inflation mula sa naitalang record high noong 2018.
Kung maaalala, nitong nakaraan ay mayroong ilang grupo ng mga magsasaka ang nagsabing bumagsak na ang presyo ng palay sa P7 kada kilo dahil sa pagbaha ng imported rice sa merkado.