VIGAN CITY – Inaasahang madadagdagan pa raw ang halaga o naitalang sira sa sektor ng agrikultura at imprastraktura sa nangyaring pagputok ng Taal volcano noong Enero 12.
Ito ay dahil resulta ng inisyal na damage assessment pa lamang ang inilalabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) hinggil sa nasabing pangyayari.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, inihayag ni NDRRMC- Office of the Civil Defense spokesman Mark Timbal na aabot na sa kabuuang P3.2-bilyon ang halaga ng pinsalang naitala sa sektor ng imprastraktura at agrikultura sa Batangas.
Ipinaliwanag nito na noong una ay nahihirapan pa silang magpalabas ng kahit anong impormasyon kung magkano ang naitalang pinsala sa phreatic eruption ng Taal volcano dahil pinagbawalan silang makapasok sa mga naapektuhang lugar at tanging aerial survey lamang ang kanilang isinagawa.
Ngunit nang bumaba na sa 7-kilometer danger zone ang mga lugar na naapektuhan, dito na unti-unting nakapasok sa mga apektadong lugar ang mga miyembro ng assessment team ng NDRRMC kaya mayroon nang nailabas na initial result ng kanilang isinagawang assessment.