-- Advertisements --

Inamin ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na umabot sa P3-bilyon ang nawala nilang kita dahil sa isang buwang suspensyon sa kanilang operasyon sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Pero tiniyak ni PCSO general manager Royina Garma na nakahanda ang pondo para makatugon sa isinasagawang mga relief efforts kaugnay sa coronavirus disease 2019 outbreak.

Paliwanag ni Garma, tuloy pa rin naman kasi ang operasyon ng mga Small Town Lotteries sa Visayas at Mindanao.

Naglabas na rin aniya ang PCSO ng tulong pinansyal sa mga Malasakit Centers na nasa walong government hospitals.

“Sa Lung Center P1 million sa isang araw ang naka-alot doon. Sa Philippine Children’s Medical Center P400,000, sa Philippine General Hospital P1.5 million, sa Philippine Heart Center P500,000 at sa Rizal Medical Center and Taguig-Pateros District Hospital tig P400,000,” wika ni Garma.

“Nawalan man tayo ng kita… pero rest assured mayroon tayong pondo,” dagdag nito.

Sang-ayon sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na enhanced community quarantine, sinuspinde muna ng PCSO ang kanilang Lotto, digit games, at Keno draw.