TUGUEGARAO CITY – Aabot sa P3 milyon ang halaga ng nakumpiskang marijuana oil sa ikinasang anti-illegal buy bust operation ng pulisya sa Tabuk City, Kalinga, kahapon, Agosto 10, 2019.
Ayon kay Police Major Richard Gadingan, information officer ng Kalinga Police Provincial Office(KPPO), nasa 25 bote na naglalaman ng marijuana oil ang kanilang nakuha sa suspek na si Rogelio Paut, 42-anyos ng Brgy, Bugnay, Tinglayan kasama ang dalawang menor-de-edad na kapwa high school student.
Sinabi ni Gadingan na ang kanilang pangunahing target sa operasyon ay si Paut kung kaya’t maaring ginamit lamang ang dalawang menor-de-edad.
Nakatakdang ibebenta raw sana ang mga nakumpiskang marijuana oil sa mga malalaking lungsod sa bansa kung saan ginagamit umano ito sa pagtanggal ng mga pananakit sa katawan.
Bukod dito, nakuha rin kay Paut ang isang calibre 45, hindi pa mabatid na halaga ng buy bust money at isang motorsiklo.
Nahaharap ang tatlo sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at karagdagang illegal possession of firearms si Paot dahil sa nakumpiskang baril.
Sa ngayon, nasa kustodiya pa rin ng PNP-Tabuk ang tatlo habang patuloy na isinasagawang imbestigasyon.