GENERAL SANTOS CITY- Aabot sa P3 million ang matatanggap ni Kumander Yoyong ng Guerilla Front 71 kung magbabalik-loob ito sa gobyerno.
Ito ang naging pahayag ni 73rd Infantry Battallion Commander Lt. Gerry Maburang matapos inanunsyo ni Davao Occidental Governor Clowdy Bautista na magbibigay ito ng P2,000,000 sa kanyang pagsuko.
Maliban pa ito sa inilaang tig-P500,000 nina Governor Steve Chiongbian Solon at Malapatan Mayor Jun Sumbo.
Ayon kay Maburang, puspusan ang kanilang kampanya para magbalik loob na ang mga rebelde kaya naman noong nakaraang linggo ay aabot sa 21 na miyembro ng New People’s Army ang sumuko sa ilalim ng Guerilla Front 71.
Pinamumunuan ito ni Kumander Yoyong sa iba’t-ibang barangay ng Jose Abad Santos, Davao del Sur.
Dala-dala ng mga rebelde ang maraming armas na kinabibilangan ng M14, apat na garrand rifle, caliber 38, caliber 45 at homemade shotgun.
Sa ngayon, pinoproseso na ang mga papeles ng mga rebelde para makatanggap ng benepisyo na aabot sa P100,000, maliban pa sa house and lot at ibang benipisyo mula sa E-CLIP (Enhanced Comprehensive Local Integration) Program.