-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Pormal nang itinurnover ang P30.5M halaga ng 2-storey building ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) sa Barangay Amas Kidapawan City.

Sinimulan ang naturang proyekto noong 2019 na pinondohan ng Php 27.5M ng Department of Health (DOH) matapos itong hilingin ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza kay dating DOH Secretary Janette P. Loreto-Garin bilang bahagi ng adbokasiya ng gobernadora na palakasin ang mga programang pangkalusugan sa lalawigan; tatlong milyong piso (Php3M) naman ang inilaan ng pamahalaang panlalawigan para dito.

Ang nasabing gusali ay may labing-pitong kwarto para sa iba’t ibang programang pangkalusugan na ipinapatupad ng IPHO.

Kabilang din sa mga kwartong ito ang one-hospital command center, 128-seater audio-visual room, conference room at multi-purpose room na maaring pagdausan ng malaking pagpupulong o mga aktibidad at kayang tumanggap ng 150 ka tao.

Sa kanyang mensahe para sa mga bisita at kawani ng pamahalaang panlalawigan, sinabi ni Governor Mendoza na prayoridad ng kanyang administrasyon ang programang pangkalusugan at pagsiguro na ang bawat Cotabateño ay mabigyan ng nararapat na serbisyo.

Inilatag din ng pinakamataas na opisyal sa probinsya ang ilang mga proyektong pangkalusugan na aasahan ng mamamayan sa mga susunod na araw bukod sa mga infrastructure projects tulad ng pagbabalik ng medical and dental outreach programs sa mga malalayong barangay at maging ang inventory ng mga suplay ng medisina at mga proyektong naisagawa.

Kasama ng gobernadora sa nasabing aktibidad sina Board Member at Committee on Health Chair Ivy Martia Lei Dalumpines-Balitoc, Board Members Joemar Cerebo at Ryl John Caoagdan na parehong nagbigay ng suporta sa health programs ng kasalukuyang liderato ni Mendoza.

Nagpahayag naman ng pagbati at paghanga si Provincial DOH Officer Rubelita H. Aggalut kay Governor Mendoza para sa nasabing proyekto dahil mismong ang goberdonara aniya ang nanguna upang mapondohan ito ng pamahalaang nasyunal.

Samantala, lubos din ang pasasalamat ng mga empleyado ng IPHO sa pangunguna ni Dr. Eva C. Rabaya kay Governor Mendoza dahil tanging ang probinsya ng Cotabato lang umano ang may sariling IPHO building na magiging instrumento para sa mas epektibong pagpapatupad ng mga programang may kinalaman sa public health.

Bago pa man ang turnover, isinagawa ang blessing o pagbasbas sa nasabing gusali sa pangunguna ni Fr. Fred P. Palomar, DCK.