Pinakiusapan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga namumuno sa iba’t ibang bayan sa bansa na tanggapin pa rin ang kanilang mga mamamayan na OFW na umuuwi.
Sa kaniyang national address nitong Lunes ng gabi, sinabi nito na karapatan ng mga opisyal ng bayan protektahan ang kanilang lugar subalit dapat ay magkaroon ng lugar na paglagyan ang kanilang mamamayan na umuuwi at huwag silang hayaan.
Tatalakayin din ngayong linggo ng gobyero ang polisiya sa pagpapadala ng mga health workers sa ibang bansa.
Inatasan din nito ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na tulungan ang PNP sa pagprotekta sa mga tao at para hindi na rin kumalat ang virus.
Pinasalamatan din ng Pangulo ang mga gabinete niya lalo kay Department of Health Secretary Francisco Duque III dahil sa walang kapaguran nito para mapigil ang pagkalat ng virus kahit may mga kritisismo itong natatanggap.
Humingi rin ang Pangulo ng pagpapatawad sa ilang mga negosyante gaya ng mga Ayala Group at kay Manny Pangilinan kung saan sinabi nito na naubos ng COVID-19 ang kaniyang pagkasuplado at pinasalamatan niya ang mga ito dahil sa tulong na ibinigay sa mga frontliners.
Muling inulit ng pangulo na wala ng pag-asa na magkaroon ng usaping pangkapayapaan sa NPA.
Nagbigay din ito ng direktang kautusan sa lahat na dapat ibigay ang ayuda ng gobyerno sa mga babae at huwag sa mga asawang lalaki dahil tiyak na mapupunta ito sa mga bisyo.
Sa huli ay inanunsiyo rin ni presidential spokesperson Harry Roque na magbibigay ang gobyerno ng P30,000 na pabuya sa sinumang magsumbong sa mga opisyal ng gobyerno na mangungurakot sa ayudang ibinibigay ng gobyerno.