Nasa P30 million ang kabuuang gastos ng Philippine Navy sa paghila sa sumadsad na flagship na BRP Gregorio Del Pilar.
Ito ang kinumpirma ni Philippine Navy Flag officer-in-command Vice Admiral Robert Empedrad.
Kabilang sa gastos ay ang pag-arkila ng Navy ng dalawang tugboat na siyang naghila sa sumadsad na barko.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay Empedrad sinabi nito na agad sisimulan ang imbestigasyon kapag dumating na bukas September 7 ang frigate sa Subic kung saan ito i-drydock.
Aniya, ang probe team ay mangagaling mismo sa headquarters ng Philippine Navy.
Nakadepende naman sa resulta ng imbestigasyon kung mayroong liability ang kapitan o ang commanding officer ng BRP Gregorio Del Pilar.
Bukod sa pagsisimula kaagad ng imbestigasyon isasailalim din sa repair ang barko.
Kinumpirma ni Empedrad na due for drydock na ang frigate nang mangyari ang insidente na sumadsad ito sa Hasa-hasa Shoal.
Ipinag-utos na rin ni Empedrad sa commanding officer ng barko na tiyakin safe ang frigate habang ibinabiyahe ito patungong Subic kahit hindi na ito operational matapos natanggal ang isang propeller nito.
Una nang ibinunyag ni Empedrad na nagkaroon ng maliit na butas ang frigate kung saan nasa 10 liters per hour na tubig ang pumapasok sa barko pero kaagad naman nagsagawa ng shoring para matakpan ang butas.
Dahil sa aksidente posibleng matatagalan pa para maging operational muli ang barko.
Siniguro naman ng navy chief na hindi maaapektuhan ang kanilang mandato lalo na ang pagpapatrulya sa teritoryo ng bansa.
“Definitely hindi na sya operational kasi natangal yung isang propeller nya e, because FD15 is due for repair anyway, so napabilis lang, kaya nga pagdating sa Subic naka schedule na yan iangat para irepair ng shipyard dun, ang estimate arrival niya dun is on the 7th of September kasi mabagal yung tugboat, yung ship is on their way to Subic, once it arrives in Subic, a comprehensive investigation will be undertaken by the navy,” pahayag pa ni Empedrad.