CAGAYAN DE ORO CITY – Nakumpiska ng Bureau of Customs (BoC) Northern Mindanao ang nasa P30 milyon na halaga ng smuggled cigarettes na unang ideneklara sa manifesto na ‘personal effects’ katulad na lang ng tsinelas mula sa China nang dumaong ito sa Mindanao Container Terminal na nakabase sa Tagoloan,Misamis Oriental.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni BoC-Northern Mindanao spokesperson Angelo Andrade na unang ibinato ng national intelligence agencies ang impormasyon kaugnay sa shipment kaya agad ikinasa ni District Collector John Simon ang isang alert order laban sa kargamento.
Inihayag ni Andrade na pagpasok na ng shipment sa daungan ay mabilis ikinasa ang partial examination at nadiskobre ang smuggled cigarettes kasama ang ilang tsinelas sa loob ng container van.
Natuklasan na ang nagsilbi umanong consignee ng kargamento ay isang Lorna Oftana na nagmula sa General Santos City.
Pinag-paliwanag na ng BoC si Oftana kung bakit hindi ito mananagot kung sakaling nalabag nito ang Customs Modernization and Tariff Act at ang Warrant of Seizure and Detention sa nabanggit na kontrabando.