-- Advertisements --

Umaabot umano sa P30-milyon kada buwan ang naitatalang lugi ng PBA dahil sa pag-iral pa rin ng suspensyon sa kanilang ika-45 season dahil sa coronavirus pandemic.

Pag-aamin ito ni PBA Commissioner Willie Marcial halos tatlong buwan matapos tumigil ang operasyon ng liga.

“Ang mawawala sa amin gate receipts. Ang mawawala sa amin television. Ang mawawala sa amin sponsorship. At patuloy pa rin kaming nagbabayad sa mga tao namin,” wika ni Marcial.

“Lampas ng P30 million a month ang mawawala sa amin. Conservative yun,” dagdag nito.

Bagama’t nalulungkot ang opisyal sa pagkalugi, batid naman daw nitong walang may gusto ng nangyari.

Katunayan, nagpasalamat si Marcial sa mga team owners na nagpakita ng suporta kahit na humaharap sila sa krisis.

“Ganun talaga eh. Kahit yung ibang malalaking negosyo, tinatamaan talaga… Kaya buti na lang andiyan yung mga team owners at mga governors na patuloy na tinutulungan kami,” ani Marcial.

Una rito, nagsumite na ang PBA ng proposal sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) para sa pagbabalik ng mga team practices.

Pero ayon sa Department of Health, kanila pa raw pinag-aaralan ang apela ng liga.