CEBU – Nakumpiska ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Lapu-Lapu City Field Unit, ang giant clam shell o taklobo na umabot ng P30 million.
Ang nasabing operasyon ay isinagawa ng 300th Air Intelligence Security Wing sa Philippine Air Force, Naval Forces Central at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, sa Sitio Tukdaw, Barangay Bongoyan, bayan ng Borbon, probinsiya ng Cebu.
Arestado ang nag-bebenta ng mga taklobo na si Anecito Baliguat Pogado, 40 taong gulang, at isang magsasaka.
Umabot sa 120 na mga higanteng taklobo na may bigat na dalawang tonelada ang nakumpiska ng mga operatiba.
Nabatid na ang mga giant clams ay wala ng laman na ibinenta sa ibang bansa na nagkakahalaga ng P15,000 kada kilo.
Ang higanteng clam shells ay maaaring gamitin bilang mga decorations, alahas, at iba pa.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 8550 o Philippine Fisheries Code of 1998 na inamyendahan ng Republic Act 10654.