(Update) CEBU CITY – Nasamsam ng mga otoridad ang mahigit P30 million na halaga ng shabu at marijuana sa magkasunod na mga operasyon sa lalawigan ng Cebu.
Sa pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-7), mga pulis at mga sundalo, binunot nila ang 70,000 marijuana plants mula sa magkaibang mga plantasyon sa Sitio Quo, Brgy. Gaas, sa bayan ng Balamban.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo mula sa PDEA, aabot sa P28-million ang DDB value ng nasabing mga tanim.
Hinahanap ngayon ng otoridad ang mga subject sa operasyon na sina Rodrigo Cabalis, alyas Drigo, Lordi Progasa, at Tisip Palando matapos umano silang tumakas.
Pagkalipas ng ilang oras, nahuli naman ang isang lola makaraang makuhanan ng milyun-milyong halaga ng shabu sa isang buy bust operation sa lungsod ng Cebu.
Kinilala ang subject na si Mary Joyce Rubi, 61, nakatira sa A. Lopez Street, Barangay Labangon, ng nasabing syudad.
Ayon sa hepe ng City Intelligence Branch na si Major Randy Caballes, ikinokunsidera ang senior citizen bilang isang high value target ng rehiyon.
Nasamsam ng PNP ang 370 grams ng shabu at nagkakahalaga ito ng P2.5 million.
Nahaharap ang subject sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.