(Update) KALIBO, Aklan – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa pagkasunog ng 25 bahay sa Sitio Pinaungon, Barangay Balabag sa isla ng Boracay.
Walang naitalang namatay sa insidente, ngunit isa naman ang sugatan na kinilalang si Dave Ong, empleyado ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Malay matapos tamaan ng hose nozzle ng isang fire truck.
Ayon kay provincial fire marshall Fire Supt. Nazrudyn Cablayan, karamihan sa nasunog na bahay ay gawa sa light materials.
Halos lahat umano ng firemen mula sa BFP Boracay Fire Substation at mga miyembro ng Boracay Fire Rescue and Ambulance Volunteers ay tumulong sa pag-apula ng apoy dakong alas-6:11 ng gabi.
Subalit, nahirapan aniya ang mga ito na makarating sa lugar dahil sa matarik at makipot na daan.
Naging mabilis rin ang pagkalat ng apoy dahil sa malakas na hangin.
Na-kontrol ang apoy dakong alas-6:32 at idineklarang fire out dakong alas-6:52 pm.
Tinatayang P300,000 ang halaga ng tinupok na ari-arian.
Inaalam pa ng mga bombero ang sanhi ng sunog na sinasabing nagmula sa bahay na pagmamay-ari ni certain Angging Lagaday.
Apektado sa insidente ang ilang pamilya at mga empleyado ng iba’t-ibang establisyemento sa isla na nakatira sa ilang boarding houses na nadamay sa sunog.