Magbibigay ng P30,000 na halaga ng tulong pangkabuhayan ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa bawat transport worker na hindi nag-consolidate sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program sa pamamagitan ng tinatawag na “enTSUPERneur” livelihood program.
Ang naturang livelihood program ay isang joint initiative ng DOLE, DOTr, Office of Transportation Cooperatoves at LTFRB. Kabilang sa naturang programa ang pagbibigay ng livelihood packages na naglaman ng mga materyales, inputs at market linkages para tulungan ang mga benepiyaryo.
Ayon kay Labor Sec. Bienvenido Laguesma, mahigit 4,500 transport workers ang nabigyan na ng ayuda na umaabot sa humigit kumulang P123 million.
Ngayong taon, ayon sa kalihim mayroon pang 1,500 transport workers ang nagnanais na makakuha ng naturang ayuda.
Ang naturang hakbang ng DOLE ay kasunod na rin ng naging direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa national agencies na magtulungan at suportahan ang alternatibong livelihood program para sa mga tsuper at operators ng dyip na na-displace dahil sa PUVMP.