Tinatayang aabot sa P323M halaga ng smuggled cigarettes ang sinira ng Bureau of Customs sa Zamboanga City.
Ito ay may kabuuang 5,624 master cases at 1,171 reams ng sigarilyo .
Binuhusan ito ng tubig ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection at dinurog ng payloader saka itinapon sa isang sanitary landfill sa Barangay Salaan.
Ayon kay Port of Zamboanga District Collector Engr. Arthur Sevilla, ang mga sigarilyong ito ay nakumpiska mula sa ilang Customs-controlled checkpoints at maritime patrols sa Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.
Sinaksihan naman ang ni Mayor John Dalipe ang pagsira sa naturang mga sigarilyo at iba pang tauhan ng gobyerno.
Ayon kay Dalipe, patuloy ang kanilang mga adbokasiya na labanan ang paglaganap ng mga smuggled na items sa kanilang lungsod.
Sinabi naman ni Sevilla na ang pag-agaw at pagsira sa mga kontrabando ay alinsunod sa tagubilin ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio na walang humpay na labanan ang ipinagbabawal na kalakalan ng tabako sa bansa at makipagtulungan sa mga ahensya ng pagpapatupad ng batas upang palakasin ang kampanya kontra-smuggling ng kawanihan.
Dumalo rin sa kaganapan ang mga opisyal at tauhan mula sa Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, Bureau of Internal Revenue at iba pang line agencies, at stakeholders.