Magpapatawag ng imbestigasyon sa Senado si Senate Minority Leader Franklin Drilon para busisiin ang Philippine International Trading Corp. (PITC), isang ahensya sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI).
Naniniwala raw kasi si Drilon na ginagamit ng ilang ahensya ng gobyerno ang PITC upang paglagayan ng kanilang hindi nagagamit na pondo.
Halos P33 billion mula sa mga taxpayers ang umano’y natutulog lamang sa naturang state-run trading company, na siya ring inatasan sa pagbili ng coronavirus vaccines.
Tahimik naman ang presidente ng PITC na si Dave Almarinez hinggil dito ngunit bukas umano si Ramon Lopez, ang chair at trade chief ng nasabing kompanya, sa binabalak na imbestigasyon ni Drilon.
Sa isinagawang plenary budget deliberations, ilang senador ang nakapansin sa mahinang track record ng PITC na isakatuparan ang mandato bilang exclusive trading company ng Pilipinas.
May kaugnayan ito sa pag-engage ng exports, trade services at special trading arrangements para suportahan naman ang domestic industries.
Napag-alaman din ng mga senador na naniningil umano ang PITC ng 1 hanggang 5 percent na komisyon. Tinatayang aabot ito ng P200 million hanggang P1 billion.