-- Advertisements --

CEBU CITY – Pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Central Visayas (PDEA-7) ang pagsira sa P330 million pesos na halaga ng ilegal na droga na nakumpiska, nasamsam, at isinuko sa isang thermal facility nitong Huwebes, Oktubre 12, nitong lungsod ng Cebu.

Kinabibilangan ito ng hindi bababa sa 47 na kilo ng ‘shabu’, dalawang kilo ng ng marijuana, limang gramo ng cocaine, 932 gramo ng ephedrine, at 613 milliliter ng nalbuphine mula sa mga isinagawang anti-drug operations.

Ito na ang ikalawang pagsira ng mga nakumpiskang iligal droga para sa taong 2023 at ito rin ang pinakamalaking destruction activity sa rehiyon sa kasalukuyan base na rin sa halaga at dami ng shabu na sinira.

Inihayag pa ni Philippine Drug Enforcement Agency-7 Director Jigger Montallana nananatili pa ring ‘very manageable’ umano ang problema sa droga sa rehiyon.

Nakakatulong pa ang pagkakumpiska ng mga ilegal na droga na mabawasan ang crime rate sa rehiyon.

Natukoy din umano nila ang mga drug players at patuloy ang kanilang pagmomonitor sa mga ito.

Nilinaw pa ni Montallana na walang droga sa loob ng kulungan at nasa labas pa rin ang sources nito.

Ibinunyag pa nito na karamihan sa mga sources sa droga ay mula sa National Capital Region (NCR) at ang mga nagcontrol ay yung mga nasa loob.

“We have to be clear, wala pong drugs sa loob ng kulungan. The one controlling is nasa loob ng kulungan but yung drugs po yung source nila is nasa outstrips lang po. Hindi namin masabi sa inyo lahat so that hindi macompromise yung aming ongoing intelligence operations,” saad ni Montallano.

Patuloy naman aniya ang kanilang monitoring at tiniyak na ligtas pa rin ang Central Visayas.