Inaprubahan na ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang P34.5M na pondo para sa pagpapalakas pa ng Kadiwa stores sa Metro Manila.
Inaprubahan ng kalihim ang Special Order 944 na nag-aatas sa Agribusiness and Development Division (AMAS) na pangunahan ang Kadiwa retail selling activities sa NCR.
Una rito ay hiniling ni AMAS director Junibert de Sagun ang alokasyon ng naturang pondo upang masimulan ang operasyon ng mga Kadiwa retailing, selling, at maging ang market matching activities.
Sa ilalim ng inaprubahang pondo, bubuksan ang maraming Kadiwa stores sa kamaynilaan na kinabibilangan ng 13 sa Quezon City, 11 sa Parañaque; at walo sa Las Piñas.
Magkakaroon din ng tig-tatlong Kadiwa store sa Pasay, Caloocan, at Manila; tig-dalawa sa Mandaluyong at Muntinlupa, at tig-isa sa Navotas, Taguig at Marikina.
Sa ilalim ng Kadiwa project, ibinebenta ang mga agricultural products sa mas murang halaga.
Dito ay direktang nakakapagdala ang mga magsasaka ng kanilang produkto at direkta ring nabibili ng mga konsyumer.