-- Advertisements --
cebu

Umabot sa P34 milyong halaga ng shabu na may bigat na hindi bababa sa limang kilo ang nasabat mula sa isang babae sa isinagawang buybust operation sa Barangay Ibo, lungsod ng Lapu-Lapu.

Kinilala ang durugista na si Rosell Arda alyas Janet, 42 taong gulang, residente ng Barangay Poblacion Occidental, bayan ng Consolacion, probinsiya ng Cebu.

Iniyagag ni Police Regional Office 7 Director Police Brigadier General Roderick Augustus Alba na nag-ugat ang operasyon sa nakuhang 15 kilo na iligal na droga sa lungsod ng Lapu-Lapu kung saan ang arestado ay grupo din umano ni Arda.

Nangungupahan ang dalawa sa lungsod at mga kalapit na lugar bilang paraan ng kanilang iligal na transaksyon.

Ayon kay Alba, inabot ng isang buwan bago pumayag si Arda na makipag-transaksyon sa kanila.

Nabatid din na mahigit sa 10 taon na nakakulong si Arda mula 2008 hanggang 2019 dahil na rin sa pagkakasangkot sa iligal na droga.

Siniguro naman ng bagong City Director ng Lapu-Lapu City Police Office na si Police Colonel Elmer Lim na magpapatuloy ang kanilang walang humpay na operasyon laban sa iligal na droga sa lungsod.