NAGA CITY – Aabot sa P35-milyong halaga ng pinaghihinalaang cocaine ang na-recover ng mga otoridad sa baybaying sakop ng Mauban, Quezon province.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni police Maj. Elizabeth Capistrano, spokesperson ng Quezon Police Provincial Office, na hawak na ng provincial crime laboratory ang nakuhang package sa bahagi ng Brgy. Cagsiay.
Ayon kay Capistrano, ito ang pinaka-malaking halaga ng suspected cocaine na kanilang nasabat mula nang sumulpot ang parehong mga kaso nito kamakailan.
Batay sa ulat isang mangingisda ang nakapulot ng packaging, na agad din dinala sa tanggapan ng pulisya.
Nangako naman ang pulisya ng pabuya sa mga indibidwal na magsusuplong sa otoridad ng makukuhang kahina-hinalang mga bagay na kaugnay sa iligal na droga.