Tinatayang P35 million ang halaga ng mga nasirang imprastruktura sanhi ng pananalasa ng Bagyong Urduja.
Ito ay initial damage pa lamang at patuloy ang assessment ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para sa mga nasira sa mga pananim at mga livestock.
Iniulat naman ng NDRRMC na nasa anim na indibidwal ang napaulat na nawawala na pinaniniwalaang nasawi dahil kay “Urduja.”
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mina Marasigan, hinihintay na lamang nila ang ulat mula sa Department of the Interior and Local Government kaugnay sa anim na nawawalang katao.
Sinabi ni Marasigan na as of 8 a.m., nasa kabuuang 87,719 indibidwal o 20,342 pamilya sa Bicol, Eastern Visayas, at Caraga ang apektado ng Bagyong Urduja.
Nakapagtala rin ang NDRRMC ng 19 na kataong sugatan, karamihan dito ay sangkot sa vehicular accidents at landslides.
Nasa 20 insidente naman ang naitala dahil kay “Urduja” kabilang dito ang 15 landslides, apat na pagbaha, at barko na lumubog sa Mimaropa, Bicol, Western Visayas at Eastern Visayas.
Nasa kabuuang 39 municipalities o siyudad sa Region 5,7,8 at Caraga region ang nakakaranas ng power interruption.
Habang may kuryente na ngayon sa may bahagi ng Agusan del Norte.
Nasa 19 road sections at dalawang tulay sa Region 5,8 at Caraga ang hindi pa passable hanggang sa ngayon.
Samantala, sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay NDRRMC Executive Director Usec. Ricardo Jalad, bina-validate pa raw nila ang ulat na nasa 30 indibidwal ang nasawi dahil sa landslide sa Biliran province.
” Still validating the report,’ mensahe na ipinadala ni Jalad sa Bombo Radyo.