CENTRAL MINDANAO – Aabot sa P35,937,600 ang kabuuang halaga ng honorarium at cash assistance na naipamahagi ni Governor Nancy Catamco sa mga barangay frontliners ng buong probinsya.
Base sa talaan, umabot sa 10,207 Barangay Peace Keeping Action Team (BPAT) members ang nabigyan ng tig P1,000.00 at 3,198 Barangay Health Workers, 1,061 Day Care at Barangay Nutrition Scholars na 730.
Sila ay nakatanggap naman nang P4,200 na honorarium para sa anim na buwang serbisyo at tig-P1,000 cash assistance sa ilalim ng COVID support program na una nang naipamahagi.
Naglibot ang gobernadora sa mga munisipyo at pinasalamatan ang mga 15,196 na mga barangay frontliners na nagsilbi sa mamamayan at naging kaakibat ng kanyang administrasyon sa pagpapatupad ng programa.
Bakas sa mukha ng mga frontliners ang kasiyahan, pagkabighani at paghanga nang personal nilang makita ang gobernador at marinig ang kanyang mensahe.
Nagkakasiyahan din sila sa mga paligsahan at inisyatibo ng gobernador mula sa kani-kanilang sektor at nabibigyan ng papremyo.
Sinabi ng gobernador na di kayang tumbasan ng pera ang sakripisyo at serbisyo na kanilang naibigay at labis nya itong pinapasalamatan.
Kasama ng gobernador na humarap sa mga frontliners ang mga alkalde at opisyales ng bayan at sina PNP provincial director Col. Henry Villar, Board Member Onofre Respicio, BoardMember Dulia Sultan, Board Member Krista Piñol Solis at Board Member Philbert Malaluan at si Congressman Joselito “Joel” Sacdalan sa mga bayan sa First Legislative District.